babaylan consciousnousGentle Art of Blessing by Pierre Pradervand

Tagalog | English Version

ANG MAPAGMAHAL AT MAAMONG SINING NG PAGBABASBAS
Ni Pierre Pradervand

Sa iyong paggising, basbasan mo ang sinasalubong mong araw sapagkat ito’y napuspos na ng di mo pa namamalas na kabutihan. Ang iyong pagbabasbas ang siyang gigising sa mga biyayang ito. Ito ay sa dahilang ang pagbabasbas ay ang pagkilalala sa walang hanggang kabutihang nakapaloob sa bawat himaymay ng sanlibutan. Naghihintay lamang itong mapukaw natin.

Sa pagdaan ng mga tao sa lansangan, sa paglulan sa mga sasakyan, sa paglilingkod sa mga pagawaan, tanggapan at palaruan, basbasan mo ang tanan. Ang kapayapaang hatid ng iyong pagbabasbas ay sasamahan sila sa kanilang paglalakbay at ang awa ng malamlam na halimuyak ng iyong pagbabasbas ang magsisilbing ilaw sa kanilang dadaanan.

“panghawakang mahigpit bilang isang malalim, banal at may himig na diwa ang pagnanais mong magbasbas, dahil ito ang makapagpapatotoo sa iyong pagiging tunay na alagad ng kapayapaan.”

Sa iyong pakikipagtagpo at pakikipag-usap sa mga tao, basbasan mo sila sa kanilang kalusugan, paghahanap-buhay, kaligayahan, kanilang kaugnayan sa Manlilikha, sa kanilang mga sarili at sa kapwa. Basbasan mo sila sa kanilang kasaganaan. Basbasan mo ang kanilang pananalapi…basbasan mo sila sa lahat ng paraang maaari mo silang basbasan, sapagkat ang banal na gawa ng pagbabasbas ay di lamang makapagtatanim ng binhi ng paghihilom ito ri’y sisibol bilang bulaklak ng galak sa mga walang halagang bahagi ng iyong buhay balang araw.

Sa iyong paglalakad, basbasan mo ang lungsod na kung saan ka naninirahan, ang pamahalaan nito, ang mga guro, mga nars, mga tagalinis ng daan, mga kabataan, mga nagtatrabaho sa bangko, mga pari at mga puta. Sa sandaling kahit sino sa kanila ang magpakita ng anumang uri ng karahasan o kasamaan ng loob, basbasan mo sila ng lubusan, taos puso, ng buong galak dahil ang basbas na ito ang siyang pananggalang mo na magtatanggol sa kanila sa kamangmangan ng kanilang masasamang gawa at makakasangga sa pana ng pagkamuhi na naituon sa iyo.

Ang ibig sabihin ng pagbasbas ay ang paghilig, ng walang pakundangan, lubusan at pag-aalay ng walang hanggang kabutihan sa kapwa at sa mga pangyayaring nagmumula sa kaibuturan ng pinagbubukalan nga kaloob-looban. Ang iyong puso: na ang ibig sabihin ay ang pagkabanalin, masdan ng pagkamangha ang siyang sa tuwina’y naghahandog mula sa May Likha. Siyang napapabanal ng iyong pagbabasbas ay ipinili, matimyas, banal at buo. Ang pagbabasbas ay ang pagtawag sa banal na pag-aaruga, ang pag-iisip at pagsasalita ng patuloy na pasasalamat, ang pag-aalay ng kaligayahan, kahit pa man kita ay hindi kaylanpaman magiging taga-bigay, kundi ang siya lamang may galak na mga saksi sa kasaganaan ng Buhay.

Ang pagbabasbas sa lahat ng walang itinatangi ay isang uri ng ganap na pagbibigay dahil yaong mga nababasbasan mo ay hindi kailanman malalaman kung saan nanggagaling ang biglang pagsinag ng araw na bubulusok sa maulap nilang kalangitan, at minsanan ka lamang magiging saksi sa pagliwanag ng araw sa kanilang mga buhay.

Kung mayroong talagang di magandang pangyayari sa iyong araw, may di inaasahang pangyayaring nakasira sa iyong balak, ikaw din, magsabwag ka ng basbas: dahil tinuturuan ka ng buhay ng isang aral, at iyang pangyayring iyan na pinaniniwalaan mong di kaaya-aya, ikaw din ang siyang tumawag nito upang iyong matutunan ang aral na ayaw mong matutunan kung di mo ito babasbasan. Ang mga pagsubok ay biyaya na nagkukubli. Pangkat-pangkat ng mga anghel ang nakasunod din dito.

Ang pagbabasbas ay ang pagkilala sa gandang nananahan sa lahat, nakakubli sa pisikal na mga mata: ito ay upang buhayin ang batas ng pag-akit na siyang mula sa kalayu-layuan ng sanlibutan, ay maghahatid sa iyong buhay ng kung ano mismo ang siyang iyong kinakailangan upang makaranas at mabigyang-sigla.

Sa pagdaan mo sa mga bilangguan, basbasan mo sa iyong isipan ang mga nakakulong habang isinasaisip ang kanilang kadalisayan at kalayaan, ang kanilang pakamahinahon at walang pakundangang pagpapatawad; dahil ang tao ay maaari lamang maging bilanggo ng kaniyang pananaw sa sarili. Ang isang malayang tao ay makakalakad ng walang tanikala sa palaruan ng bilangguan, kasalungat lamang ng mga taumbayan na kung saan ang kalayaan ang namamayani ay maaaring maging bilanggo ng mga takot na naghahari sa kanilang mga isipan.

Sa pagdaan mo sa pagamutan, basbasan mo ang mga may sakit sa kanilang pagkabuong kalunasan, dahil kahit sa kanilang paghihirap, ang pagiging buo at ganap na nalunasan ay naghihintay lamang na kanilang matagpuan. Kung nakakita ka ng taong lumuluha, o di kaya’y tila sawi sa buhay, basbasan mo siya sa kaniyang kaligayahan at tuwa; dahil ang materyal na mga pagdamdam at pagmalas ay napapakita lamang ang kabaliktarang anyo ng ganap na ningning at kaganapang nakikita ng paningin mula sa kalooban.

Hindi maaaring ipagsabay ang pagbabasbas at panghuhusga. Kung kaya, panghawakan tuwina bilang malalim, banal at may himig na kaisipan ang pagnanais mong magbasbas, dahil sa ganitong paraan ka magiging isang alagad ng kapayapaan, at, isang araw, iyong makikita, mamamalas, sa lahat ng dako, ang mukha ng Diyos.

At, huwag na huwag kalilimutan na basbasan ang tunay na magandang tao, na siyang Ikaw.


Note: I came upon this beautiful writing a few years ago and shared copies of The Gentle Art of Blessing that Christmas season. I got a hold of Mr. Pradivand's email via a search on the Internet. When he wrote me back, he was kind and friendly and he shared with me that an inspiration gave him cause to write this.

May you receive this in openness and your life be enriched by it.

If you have any links and resources to share, please email me.



--------------------------

Ever out of Love.

--------------------------

Site Map

Babaylan.com. All rights reserved. P. Paredes Daly. ©2003